Ang pagtatayo ng Rice Processing System o RPS ay isa sa mga pamamaraan ng RCEF Mechanization Program upang tulungan ang mga magsasakang Filipino tungo sa matatag at kumpetitibong sektor ng agrikultura.
Layunin nito na makamit ang hustong benepisyo ng mekanisasyon sa pagbuo ng kumpletong hanay ng makinarya sa pagpapalay. Ito ay sa pamamagitan ng RPS na ipamamahagi sa mga kwalipikadong Farmers' Cooperatives and Associations (FCAs) at Local Government Units (LGUs) mula sa mga pangunahing probinsiya na nagtatanim ng palay sa Pilipinas.
Ang RPS ay binubuo ng mga makinaryang gamit sa pagpapatuyo ng palay at paggiling ng bigas. Katuwang ang mga makinarya sa paghahanda ng lupa, pagtatanim ng binhi o punla, at pag-aani ng palay, inaasahan ang mas mataas na ani, kita at kakayahan ng mga magsasaka na makipagsabayan sa mga karatig-bansa.